Mabilis pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kahit na bumaba ang Inflation Rate sa 9.0% noong Pebrero mula 11.1% noong Enero 2023 (March 15, 2023.PSA); kaya, kailangan paring maging matalino ang bawat isa sa paggamit ng pinaghirapang salapi. Naaalala niyo ba ang Pamamaraan sa Pag-iimpok na ibinahagi sa Financial Literacy Seminar? Pag-usapan nating muli!
1. Mag-impok bago gumastos.
Isa sa mali nating ginagawa ay ang gumasta muna bago magimpok, kaya sa huli ay wala nang naiimpok. Unahin muna ang pag-iimpok, pagkatapos ay gamitin ang natitira sa mga kailangang bilhin.
2. Gumawa ng detalyadong badyet.
Ang detalyadong badyet ay makatutulong na makaiwas sa labis na paggasta, lalo na sa pamamalengke.
3. Itabi ang mga sobrang kinitang pera.
Kahit nakapag-impok ka na bago gumasta, idagdag ang sobrang kita sa naimpok na.
4. Bilhin lamang ang mga KAILANGAN.
Bilhin lamang ang mga KAILANGAN at hindi ang mga GUSTO lang. Dapat ay malaman natin ang pagkakaiba ng KAILANGAN at GUSTO.
5. Ipunin ang mga barya.
Ang maliliit na halaga, kapag pinagsama-sama ay magiging malaki. Ilagay sa alkansya.
6. Mag-impok kahit may utang para sa emergency.
Walang naka-aalam kung kailan darating ang sakuna, kaya naman kailangan magtabi para dito. Sikaping makapag-ipon pa rin kahit nagbabayad ng utang.
7. Huwag gumastos nang higit sa kinikita.
Ang paggastos nang higit sa kinikita ay magdudulot sa pagkakautang. Ang pagbabayad nito ay magiging dagdag gastos sa mga susunod na buwan.
8. Iwasan ang pagpunta sa palengke o mall kung hindi kailangan upang makaiwas sa mga biglaang pagbili.
9. Lumayo sa bisyo.
Ang bisyo ay masama sa kalusugan, at makasasama sa layuning makapag-impok.
10. Huwag ikumpara ang sarili sa kapitbahay o kaibigan.
Iba-iba ang kapasidad ng mga tao sa paghahanap-buhay. Huwag mainggit sa mga bagay na mayroon ang iba. Huwag mong piliting pumantay sa kanila kahit hindi mo kaya. Malulubog ka lang sa utang.
11. Magtanim ng gulay, mag-alaga ng manok, at mga katulad nito, para sa pagkain.
Kahit kailangang pagsikapan, ang pagkakaroon ng sariling sangkap mula sa ating tahanan ay magandang pamuhunan laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hindi na mag-aalala na mapapabili nang mahal na mga sangkap. Kabawasan ito sa inyong gastusin sa pagkain.
12. Magbisikleta o maglakad kung malapit lamang ang pupuntahan sa halip na gumamit ng kotse o sumakay ng dyip.
Habang nakapag-iimpok ka, nakabubuti rin sa kalusugan ang pagbibisikleta at paglalakad dahil ito ay mga ehersisyong makapagpapalakas ng puso.