Iba’t-ibang Pagkaing Kailangan ng ating Katawan

Ni Grace D. Gullas

Kailangan ng tao ang pagkain upang lumusog at mabuhay. Ito ay nagbibigay ng mga sustansiya na kailangan ng ating katawan, upang makapagtrabaho, lumaki at manatiling malusog. Kailangan nating kumain ng iba’t-ibang pagkain araw-araw dahil walang isang pagkaing makapagbibigay sustansiya na kailangan ng ating katawan. Ano ang mga sustansiya? Ito ay ang mga sangkap sa pagkain na nagbibigay sa atin ng init at enerhiya, nagpapanatili sa ating katawan na maging malakas at malusog, ito ay nagpapatangkad at nagpapatalino rin.

May dalawang (2) uri ng sustansiya:

  1. “Macronutrients” - Sustansiya na pampalaki at nagbibigay ng enerhiya at kailangan ito ng ating mga katawan. Nakapaloob dito ay ang mga protina tulad ng karne, itlog, isda at gatas. Mga taba: mantika at margarina. Mga carbohydrates: bigas, tinapay, pansit at kamote.
  2. “Micronutrients” - Sustansiya na sumusuporta sa pag-unlad ng katawan at sa mahalagang tungkulin ng mga bahagi ng katawan. Nakapaloob dito ay ang mga bitamina tulad ng malunggay, karot, papaya at saging. Mga mineral: ito ay ang mga dilis, karne. butong-gulay, gatas, talbos ng kamote. Ang mga pagkain ay may tatlong pangkat. Ito ay ang mga sumusunod:
    1. Mga pagkaing nagbibigay ng enerhiya – ito ay nagbibigay ng init at enerhiya sa katawan para sa pagtatrabaho at paglalaro (taba at langis/mga lamang-ugat/bigas, tinapay at pansit).
    2. Mga pagkaing nagbubuo ng katawan - ito ay mayaman sa protina, yero(iron), bitamina A, B-Complex at Calcium na kailangan sa paglaki, tumutulong sa pagbuo ng malakas na kalamnam, buto at ngipin (isda, karne, hipon, alimango, gatas, itlog, keso, maliliit na isda at mga butong-gulay.
    3. Mga pagkaing nagsasaayos ng katawan - ito ay mayaman sa bitamina at mineral na nagpapanatiling malusog ang mga mata, balat, buhok, gilagid, buto at ngipin, nagpapataas ng resistensya ng katawan laban sa impeksyon (berdeng madahon at dilaw na gulay) prutas na mayaman sa bitamina A/ prutas na mayaman sa bitamina C at ibang prutas at gulay). Kumain tayo ng iba’t-ibang pagkain araw-araw upang tayo ay maging malakas, malusog at matalino.